Thursday, August 18, 2022

LIFE STORY: "AKALA KO MAMAMATAY NA AKO." | The Most Challenging Battle I Won!

"I'M PHYSICALLY HEALTHY BUT NOT."



Life is too short, ikanga nila. Tama, napakaikli ng buhay para tayo ay malungkot o magmukmok. Pero teka, normal kang tao kung marunong kang malungkot sa ilang pagkakataon. May kalungkutan kasi na nagpapatatag pa rin sa ating mga sarili. May kalungkutang nagpapaalala na tayo'y magbalik-loob sa ating Lumikha. At may kalungkutan ding....... nakakamatay.


Ito nga pala ang kuwento ko. Ang kuwentong ito ay hango sa aking pakikipaglaban sa isang nakatatawang sakit pero nakakabaliw. Yung sakit na sa isip o sa overthinking mo lang  nagsimula at sa sariling isip mo rin magtatapos.


ANG SIMULA...

Taong 2020, taon na kung saan nabalot ang mundo ng katahimikan, kalungkutan at nakulong ang maraming mamamayan sa loob ng ating mga tahanan. Isang pandemya ang naghari sa mundo na sa isang iglap, biglang nagpabago ng ating paraan ng pamumuhay at tila nagpatigil sa ikot ng ating mundo.

Buwan ng Abril 2020, bakasyon namin ito bilang mga guro sa bansa at dahil sa pagkalat ng Covid-19, wala kaming magawa kundi ang hintayin ang mga anunsyo kung kailan matutuloy ang mga naantalang programa sa aming paaralan. 

Hanggang sa lumipas ang ilang mga araw, linggo, at buwan.... wala pa rin anunsyo. Dito na nagsimula ang kagimbal-gimbal na pangyayari sa aking buhay. 

Hunyo 2020, oras ng hapunan, habang kami ay kumakain ay tila bigla akong nahirapang huminga. Itinigil ko ang aking pagkain at sinubukang huminga ng malalim ngunit nahihirapan pa rin ako. Hindi ko ito sinabi sa aking mga kasama sa bahay, sa halip ay nagpabili na lang ako ng Pineapple Juice. Ang bigla ko kasing naisip ay baka mataas ang Blood Pressure ko (pero di ko pa alam ang mga tungkol sa HB na mga sakit nun, basta naisip ko lang).

Yung tibok ng puso ko, napakabilis. Pabilis ng pabilis. Sinusubukan ko itong kontrolin pero ayaw pa ring tumigil. Nenenerbiyos na pala ako.

Hanggang dumating ang oras ng tulugan, ako na lang ang gising sa amin, mag-aalasdose (12:00) na pero di ko pa rin makuha-kuha ang antok ko. Pinagpapawisan ako. Nagpapalpitate na ang puso ko. Pero mga bandang alauna siguro ay naitulog ko din. 

Bandang alas-3 ng madaling araw (3:00am), nagising ako. Bumangon at umihi. Pagkatapos kong umihi, bigla na namang bumilis ang tibok ng puso ko. Gusto kong gisingin ang mga magulang ko pero sinubukan kong pakalmahin ang sarili ko. Uminom ako ng tubig pero walang epekto. Umupo ako sa labas ng bahay at unti-unti ko itong pinapakalma. Hanggang sa nagawa ko ring kumalma sa loob ng mga 15 minuto. Akala ko noon maka-Cardiac Arrest na ako dahil sa severe palpitations.

Kinabukasan paggising ko, ang sakit ng ulo ko marahil dala ng kakulangan sa tulog. Nag-almusal ako at syempre dahil wala namang ginagawa, Cellphone lang ang tanging libangan sa mga panahong iyon. Nakaramdam muli ako ng mabilis na pagtibok ng puso ko. Natakot na ako. Nenerbyos. Pero di ko pa rin sinabi sa aking mga kasama sa bahay. Hanggang sa naging araw-araw ko na itong nararamdaman na naging dahilan para di ako makatulog ng maayos sa gabi at makakain ng tama. 

Mag-isang linggo na pero paulit-ulit ko pa rin itong nararamdaman. Nakakapagod na. Kaya nagpasya akong magtungo sa Laboratory Clinic. Dito ay kinuha ang Blood Pressure ko. Mataas. Nasa 140/90. Pinagpahinga ako tapos inulit. Mas lalong tumaas. Tinanong ako ng nurse doon kung nenenerbyos ba ako, at sumagot ako ng "hindi". At neresetahan nga ako ng gamot para sa High Blood Pressure. Nagpa-ECG na rin ako at sa awa ng Diyos normal naman ang resulta nito. Pati ang Urinalysis ay normal din.

Umuwi ako ng bahay na may dalang kaba pa rin. Uminom ako ng isang tableta sa neresta nilang pang-HB pero parang walang epekto sa akin. Gusto kong antukin ako. Gusto kong matulog pero di ko magawa. 

Nagdaan pa ang maraming araw, unti-unti na akong nababawasan ng timbang. Mula 65 kgs. noong bago ako atakehin ng sakit na iyon ay biglang naging 58 kgs. na lang ako. 

Dumating na rin ang panahon para kami ay magreport sa aming paaralan. Bilang isang guro, di ko pwedeng irason ang nararamdaman ko para umabsent dahil baka di nila maintindihan ito (dahil wala pa naman akong pinagsasabihan sa aking mga kasamang guro.) 

Sa paaralan kung saan kami nagtuturo, lima kaming tagababa o tagapatag na sabay-sabay umakyat (dahil nasa remote area ang aming paaralan). Aarkila kami ng jeep tapos ay lalakarin ng halos isang oras ang di kayang daanan ng jeep hanggang sa makarating kami sa paaralan. 

Minsan habang nasa paaralan ako, bigla na lang umaatake ang nararamdaman kong iyon. Gusto ko tuloy umuwi agad. Pero nilalabanan ko lang. 

Narito ang ilan sa mga larawan ko noong mga panahong nagsimula at kalagitnaan ng aking sakit na iyon:

Kuha ito noong September 2020, buwan kung saan naghahanda na kami para sa modular na pasukan.

Selfie sa paaralan habang nagsosort ng modules.

Ito yung ika-27 na kaarawan ko. Nagpadasal kami ng konti bilang pasasalamat sa Diyos. Sa mga panahong ito, ako pa lang ang nakakaalam ng sakit ko pero marami ang nagtatanong kung bakit ang payat-payat ko na.


Ika-27th birthday ko ito.

Mga panahong kailangan naming magreport sa paaralan. 

Selfie ko habang nagpiprint at nagsosort ng modules.

Halata sa mukha ko ang ipinayat ko kahit madilim o against the light na ang kuha.


PAANO KO NALAMAN ANG SAKIT KO?

Dumating yung point ng buhay ko na palagi na lang akong nagsesearch sa google ng mga sintomas ng iba't ibang sakit gaya ng:

-Heart Attack symptoms

-Sintomas ng Cardsiac Arrest

-Sintomas ng High Blood

-Senyales na malapit ka nang mamatay

- Ano ang gamot sa insomia at iba pa.


Dumating rin sa punto na lagi na rin akong nanonood sa mga Vlogs ni Doc Willie Ong at ni Online Doktora sa Youtube. Dito ko rin nalaman ang mga sakit tulad ng Anxiety, Depression, at yung nararamdaman ko na PANIC ATTACK. Lagi rin akong naging suki ng mga doctor sa clinic at Laboratory Clinic.

Ano nga ba ang Panic Attack?

Ayon sa www.webmd.com, ang panic attack ay  ang biglaang pakiramdam ng takot na tumama nang walang babala. Maaaring mangyari ang mga episode na ito anumang oras, kahit na sa pagtulog. Ang mga taong nakakaranas ng panic attack ay maaaring maniwala na sila ay namamatay o nababaliw. Ang takot at sindak na nararanasan ng isang tao sa panahon ng panic attack ay hindi katumbas ng totoong sitwasyon at maaaring walang kaugnayan sa kung ano ang nangyayari sa kanilang paligid.

Base sa kahululugan sa itaas, ang mga sintomas na aking nararamdaman ay ang labis na pagkatakot mamatay, laging kinakabahan at bigla na lang bumibilis ang tibok ng puso ko. Minsan ay parang nababaliw na rin ako sa sobrang pag-iisip ng kung ano-ano. Takot na takot din akong lumabas ng bahay mag-isa kaya kung may pupuntahan ako ay nagpapasama ako sa aking kuya sa pagdrive ng motor.

Dumating din ang mga panahon na kung ano-ano na ang inoorder ko sa Online na mga health equipments gaya ng BP Monitor at Glucometer dahil gusto ko araw-araw na makita ang kalagayan ng katawan ko. 

Inabot na rin ng taon ang aking nararamdaman at tila unti-unti nito akong nilalamon, at ibinabaon sa hukay.

Mula nang nalaman ko ang aking sitwasyon, sinubukan kong unti-unting sabihin ito sa mga taong nakapalibot sa akin. Sinimulan ko ito sa isa kong kapatid na babae. Sumunod sa nanay ko, sa mga kaguro ko at sa sarili ko. 

Nag-seek na rin ako ng tulong mula sa College Professor ko dati sa Psychology at pinayuhan ako ng mga dapat kong gawin. Mabuti na lang at libre ang messenger, malaking tulong ito sa mga panahong maraming nangangailangan ng atensyon. 

Dito na rin ako natutong maging matatag. Sinubukan kong lumabas ng bahay para gumala ng mag-isa. Sinubukan ko na ring kumain ng mga dati kong kinakain. Hanggang sa unti-unting nanumbalik ang sigla ng aking katawan.

December 26, 2021 (B-day ko). Nagpunta ako sa Daang Katutubo sa Aguilar, Pangasinan ng mag-isa. 

Viewdeck sa Daang Katutubo sa Sitio Mapita, Aguilar, Pangasinan

January 2022

February 2022

March 2022

April 2022

July 2022

Sa ngayon, may mga nararamdaman pa rin ako o umaatake pa rin lalo na kung nasstress sa trabaho pero nakakaya ko na itong kontrolin. Salamat sa Diyos dahil sa araw-araw na pakikipaglaban ko, di Niya ako iniwan at unti-unti ring natupad ang ilan sa mga pangarap ko at pangarap ng pamilya ko.

Sa ngayon, natatawa na lang ako habang sinusulat ko ang kuwento kong ito. Talaga namang minsan "It's all in the mind."

Sa mga kagaya kong patuloy na lumalaban, akbay tayo pre, tol, bes, mam, sir. Makakaya natin 'to. 😇




No comments:

Post a Comment