AGOO ECO-PARK IN AGOO, LA UNION
Maniniwala ka ba kung sasabihin kong ang napakagandang lugar na ito ay dating bahagi ng dagat? Halika at sama-sama nating alamin ang kwento at kasaysayan ng lugar na ito.
Sa mga
kagaya ko na mahilig sa mga tahimik at preskong lugar, dayo na sa
ipinagmamalaking pasyalan ng Agoo, La Union….. ang AGOO ECO-PARK. Let’s Go!
AGOO ECO-PARK IN AGOO, LA UNION
Bago
makapasok dito, kailangan munang dumaan sa entrance gate at magbabayad ng
environmental fee o parking fee na P20.00. Kung ikaw naman ay taga-Agoo, libre
ang pagpasok dito.
Sa bungad
nito, kapansin-pansin ang kalsada nito na binubuo ng 4-lane concrete pathway na
nakapagitna sa mga puno ng agoho. Ang lawak ng kalsada dito. Ang sarap
magdriving lesson ng 4 wheels. Usually may mga nakikita akong facebook friends
ko na dito nagpapractice magdrive. Maliban sa malawak na ang kalsada, kakaunti
rin ang mga sasakyang dumadaan dito.
Ang Agoo
Ecopark ay matatagpuan sa barangay Sta. Rita, sa bayan ng Agoo, La Union. Isa
itong man-made forest na nakapaloob ito sa mahigit sampung libong ektaryang
Agoo–Damortis Protected Landscape and Seascape. Ang Agoo-Damortis Protected
Landscape and Seascape ay unang itinatag bilang isang pambansang parke noong
1965. Sinasaklaw nito ang 30 kilometro ng mga bakawan, seagrass bed, at pinong
itim na buhangin sa mga dalampasigan.
Malapit sa
baybaying-dagat o sa hilagang bahagi ay makikita naman ang mga bakawan o
mangrooves, kung saan ang mga migratory bird ay dumadapo kapag ang araw ay lumulubog na. Sa katunayan ay
ginawa itong Eco-Fun Park na binuksan sa publiko noong 2014. Mabilis itong
naging hotspot para sa mga turista at lokal na naghahanap ng kaunting tambayan
sa kalikasan. Pero sa kasalukuyan, wala na ang mga mangroove sanctuary
activities na dinarayo dati dito.
Sa pagpunta
sa Agoo Eco-Park, makikita rito ang mga nagtataasang agoho trees na karaniwang
pinagkakamalang pine trees ng ilang mga turistang bumibisita rito. Ang mga
agoho tree na ito ay itinanim mahigit-kumulang 20 years ago at patuloy pa ring
dini-develop o pinagaganda ng mga taong in-charge sa maintenance ng lugar na
ito. Ang mga punong ito ay tuwid na nakatayo at nakahilera sa parke sa kahabaan
ng coastal village ng barangay Sta. Rita na nakaharap sa Lingayen Gulf.
Siguro magdadalawang-isip
ka kung sasabihin nating ang eco-park na ito ay dating bahagi ng dagat. Ilang
taon na rin ang nakalilipas nang umatras ng halos isang kilometro ang tubig ng
dagat, at bilang ebidensya nito ay ang seawall malapit sa gate nito na katabi ng
simbahan. Kaya noong 2011, sinimulan ng Department of Environment and Natural
Resources o (DENR) na tamnan ang lugar sa ilalim ng National Greening Program
(NGP) ng mga iba’t ibang uri ng kahoy habilang na ng Agoho Tree.
Ang Agoho,
na tinatawag ring Aguho, Aroo o Agoo na may scientific name na Casuarina
equisetifolia o sa English ay whistling pine, ay isang puno sa variety ng
Casuarina, at isa sa mga punong likas na natatagpuan sa Pilipinas. Kahawig ito
ng punong karaniwang makikita sa Baguio City na pine trees. Ang mga puno ng
agoho na itinanim dito ay iyong mga nabubuhay sa mainit na panahon at
mabuhangin na lugar, at iba sa mga pine trees na makikita sa Baguio City.
Gayunpaman, kailangan pa ring maglagay ng garden soil sa paligid ng mga punla
upang hindi ito maalog.
At alam
niyo ba na sa punong ito hinalaw ang pangalan ng Bayan ng Agoo, La Union dahil
sa dami ng mga puno noon na itinanim o tumubo sa bayang ito.
Sa
baybaying bahagi nito ay may bagong ginagawang daan. Ito ang mega dike and
coastal road project ng DPWH o ang Shore Protection Project. Sa aking pagbabasa
ng mga artikulo sa internet ay may haba pala itong mahigit 20 kilometers kung
natapos. Ang proyektong ito ang magsisilbing panangga sa storm surge tuwing may
bagyo o tag-ulan na pakikinabangan ng coastal barangays na nasasakupan nito.
Napakaganda
ng pagkakagawa dito dahil sa gitna o center isle nito ay may mga nakainstall na
solar street lights na tiyak na magbibigay liwanag sa madilim na paglalabay ng
mga motorista o turista tuwing gabi. Ang dagat ay malinaw, katamtaman ang mga
alaon pero kapansin pansin na may mga karatulang nakalagay na “Mag-ingat sa mga
dikya”. Ito ay dahil sa ilang insedente ng pag-atake ng mga dikya sa mga
nkalipas na taon o buwan.
Unti-unti
na ring dumarami ang mga tindahan o bilihan dito na nakahilera sa gilid ng
ginagawang kalsada. May mga kubo na rin na maaaring rentahan sa abot-kayang
halaga.
Para sa
katanungan natin: Gaano kahaba ang saklaw o sakop ng Agoo–Damortis Protected
Landscape and Seascape? I-comment ang inyong sagot sa comment section at ating
pipiliin sa pamamagitan ng wheel of names ang mananalo ng 100 pesos load na
ipopost natin sa ating Facebook Page at sa comment section ng videong ito.
Ang Agoo
Eco-Park ay perpektong lugar para sa anumang uri ng picture-taking activity
maging ito man ay isang prenuptial shoot, isang birthday shoot, o isang
simpleng larawan upang ipakita sa Facebook o Instagram. Mayroon ding campsite
kung saan maaari mong dalhin ang iyong mga kaibigan o pamilya na may dalang masarap
na pagkain para sa isang simpleng picnic o sleepover sa labas. Maaari kang
magdala ng anumang makakain at maiinom basta huwag kalilimutang dalhin ang
basura kapag aalis na para mapanatili ang kalinisan ng lugar. Isa rin itong
nakakapagpasiglang lugar na magandang puntahan para sa mga fitness activity
tulad ng jogging o pagbibisikleta.
Sa ngayon,
patuloy nating alagaan ang mga likas na yamang ibinigay sa atin ng Maykapal.
Mga yamang nagbibigay tuwa at ginhawa sa bawat isa. Hanggang sa muli nating
paglalakbay sa mga lugar na siksik sa ganda at siksik sa kuwento at kasaysayan.
Ito po ang inyong Sirpogi ng Elyu na nagsasabing EARN. TRAVEL and CHILL.
Hanggang sa muli, paalam!
AGOO ECO-PARK IN AGOO, LA UNION
No comments:
Post a Comment