Sunday, August 21, 2022

TEACHER AKO: NAPILITAN LANG BA O TINAWAG NG TUNGKULIN?

Marami sa atin ang guro. Pero hindi natin alam ang kuwento sa likod nila. Ikaw, ano ang propesyon mo?


Marami sa atin ang gustong maging propesyonal. Marami rin ang gustong pumili ng tamang kurso para sa kanilang sarili. Pero may mga ilan sa atin ang napilitan o sadyang doon lang na kurso tatapat ang budget ng pamilya.

Bilang anak ng mahirap, wala akong karapatan para mag-inarte o pumili ng mga bagay na alam kong hindi kayang masuportahan ng aking mga magulang. Pagkatapos kong grumadweyt sa High School, tumigil muna ako ng isang taon dahil hindi ko alam kong magtutuloy ako o maghahanap na ng trabaho para makatulong sa pamilya ko. 

May mga gustong mag-sponsor sa akin noon para makapag-aral ng kolehiyo pero nahihiya ako dahil ang iniisip ko ay yung pang-araw-araw na babaunin ko. Wala namang trabaho ang nanay at tatay ko na stable. Namumundok lang noon si tatay at ibenibenta ang mga kahoy na nakukuha niya. Si nanay naman ay nasa bahay bilang housewife.

Minsan nga kulang pa kami sa kaning ihahain sa mesa kaya kamoteng-kahoy na lang ang nagiging supplemental noon para mabusog kami. Karaniwang nilagang dahon ng malunggay lang din ang lagi naming ulam noon. Pero wala namang problema doon. Masaya kami kahit mahirap. Pero minsan, hindi nagkakaunawaan ang aking mga magulang dahil sa kawalan ng gastusin sa bahay.

Tumigil nga ako ng isang taon at kinuha ng tita bilang kasama niya sa Canteen niya sa isang paaralan. araw-araw akong pumapasok doon at di ko na maalala kung magkano ang sahod ko sa loob ng isang linggo (nasa 500-600 pesos din ata).  

Dumating ang panahon na malapit na ang enrollment sa college. Di ko maalala kung bakit bigla akong tinanong ng aking mga magulang kung gusto ko daw ba mag-aral sa kolehiyo. Syempre, OO agad ang sagot ko. Iyon pala, nagkausap na sila ng aking lola noon na nagtatrabaho naman bilang caretaker ng bahay. Si lola kasi ang siyang nagbigay ng munting pambayad ko para makaenroll ako. 

Hindi ko naman alam kung anong kurso ang kukunin ko sa pagkakataong ito. Bago pa man ako makaenroll, syempre dumaan naman ako sa College Admission Test. 

Ayon sa sinasabi ng karamihan, Education daw ang pinakamadali at may pinakamurang Tuition Fee kaya ayun ang kinuha ko. Ayaw ko namang mag BS Math kasi di ako magaling sa math. Kapag BS Computer, di naman ako marunong magcomputer noong araw. Kaya Education ang kinuha ko.

Sa tulong ng isang kamag-anak ni tatay, inendorso niya ako bilang scholar sa Provincial Board Member, at nakuha naman ako. Ibinase ang pagkuha sa akin sa mga grado ko noong 4th year High School ako. Nagpatuloy ang suporta ng Scholarship ko na iyon kasama ang Local Code Scholarship ko bilang SK Kagawad hanggang sa makatapos ako ng pag-aaral kaya hindi masyadong nahirapan ang mga magulang ko sa mga gastusin sa aking pag-aaral.

Masaya ang mag-aral. Akala ko noong una puro mga babae ang kaklase ko. Buti na lang at marami rin kaming mga kalalakihan sa section namin. Sila ang mga naging barkada ko mula sa lahat ng sakripisyo namin sa aming mga proyekto hanggang sa makatapos kami at sabay-sabay na nakapasa sa Licensure Examination for Teachers. 

Dalawang linggo bago pa man ako makapagtapos ng kolehiyo bilang BEEd-SPED Major, naisipan ko nang mag-Job Hunting kasama ang ilan sa mga kaklase ko. Sa awa ng Diyos, agad naman akong nakuha sa isang pribadong paaralan (formerly Union Institute of Rosario; Union Christian College Annex na ngayon).
Hindi naman bago para sa akin ang pagtuturo dahil talaga namang nahubog kami sa aming unibersidad, mapa-in-campus man o off-campus na Practice Teaching. Pero bilang baguhan sa serbisyo ng pagtuturo, marami akong kailangang aralin lalo na sa sistema at kalakaran ng paaralang kinaroroonan ko.

Masaya ang pagtuturo sa pribadong paaralan. Walang maraming forms. Magtuturo ka lang, gagawa ng simpleng lesson plan, copy-paste na mga test questions sa mga pinag-aralang aralin sa libro at lilinisan mo lang ang classroom mo pagkauwi ng mga bata. Marami ka pang oras para magmeryenda o magpahinga dahil departmentalized naman ang paaralan.

Pagkatapos ng tatlong taon, naisipan kong mag-apply sa Public School, kaya nagresign ako sa pribadong paaralang pinagtuturuan ko. Maayos naman akong nagpaalam at bitbit ko ang mga aral at karanasang na natutunan ko sa kanila.

Dahil wala pang kasiguraduhan kung makakakuha ba ako ng item, nag-apply ulit ako sa isang Diocesan School malapit sa amin. Nakuha ulit ako. Pinagreport ako doon, naglinis sa brigada eskwela, naghahanda para sa susunod kong tahanan, pero makalipas lamang ang halos dalwang linggo, tinawagan ako ng District Office. May offer sa akin. Substitute Teacher daw pero sa remote school. Nagdalawang isip ako pero buti na lang may magreretirong guro sa isa pang mountain school kaya nakuha ko ang item niya. Siya nga pala, ikalawa ako sa overall ranking sa district namin at di ko iyon inasahan.

Kaya, agad akong bumalik sa pinag-applyan kong Diocesan School at muling nagpaalam sa kanila ng maayos. Buti na lang at wala pa akong napirmahang kontrata kundi nagkaroon na sana ako ng Breach of Contract na nagkakahalaga ng 50,000 pesos.

Kinabukasan, pinagreport muna kami sa District Office, lahat kaming bagong nakapasok sa Deped habang inaayos at hinihintay ang aming mga school assignments.

Gayun nga, nadestino ako sa isang malayong paaralan sa bayan namin, isang mountain school. Dito ako nagturo ng halos limang taon. Dito na kami natutulog ng mga kasama kong guro mula sa baba dahil may teachers Quarters naman kami doon. Dito ko nakita ang pamumuhay ng mga tao doon. Dito rin ako natutong maglakad sa maputik na daanan tuwing tag-ulan. At higit sa lahat, dito ako natuto na mahalin ang aking propesyon. Nagpatransfer na rin ako sa kapatagan at naidestino na ako sa malapit na barangay sa amin. Dito, nakakauwi na ako araw-araw.


Pero sa mga di inaasahang pagkakataon, may mga araw na napapagod at nawawala ako sa ganang magturo. Ilang beses ko na ring naisipang magresign at humanap na lang ng ibang trabaho pero naiisip ko na nasa mabuting kamay na ako, bat pa ako aalis. Siguro dahil sa dami ng trabaho ng guro, minsan nagiging emosyonal kami. Pero ang mga iyon ay paalala lang na sa likod ng maghapong paghihirap, may tahanan ka pa ring uuwian upang magpahinga.

Bilang isang guro, natutuhan ko ng mahalin ang aking propesyon at patuloy akong magtuturo hangga't may bata at hangga't kaya pa ng aking katawan at isipan.









No comments:

Post a Comment

You may also like:

AGOO ECO-PARK IN AGOO, LA UNION

  AGOO ECO-PARK IN AGOO, LA UNION Maniniwala ka ba kung sasabihin kong ang napakagandang lugar na ito ay dating bahagi ng dagat? Halika at...