Friday, June 20, 2025

DAANG KATUTUBO, ISANG PARAISONG KALSADA SA BAHAGI NG PANGASINAN

 

DAANG KATUTUBO, ISANG PARAISONG KALSADA

Ang Daang Katutubo ay isang scenic road na tumatawid sa mga burol ng Barangay Laoag, Aguilar, Pangasinan, na nag-uugnay sa bayan ng Aguilar papuntang Mangatarem, Zambales, at patungong Mapita View Deck. Ito’y tinaguriang “indigenous road” dahil dito nakatira ang mga katutubong grupo gaya ng Kankanaey, Bago, at Ibaloi


May habang humigit-kumulang 24 km (o ayon sa iba, 26 km) at binubuo ng dalawang lane na sementadong kalsada, kabilang ang mga tulay, slope protection, drainage, at pavement markings.

 

Pinagmulan at Layunin ng Proyekto

Inumpisahan noong 2018 sa suporta ng DPWH Region 1 at Department of Tourism, na may initial na pondo na ₱784 million. Pinatatakbo ni Rep. Leopoldo Bataoil (ngayon Mayor ng Lingayen), na nagsimulang ipatupad ang ideya pa noong 2012.

 

Layunin ng proyekto:

Ibigay ang mas mabilis at ligtas na access para sa mga katutubong komunidad sa mga paaralan, ospital, at iba pang serbisyo  at layunin din nitong itaguyod ang agrikultura at agroturismo, kabilang ang ylangylang plantations sa lugar. Isa rin sa layon nito ang palakasin ang turismo sa pamamagitan ng pampasigalaang tanawin at View Deck na tinatawag din na Nayong Aguilar at ng Mapita Viewdeck na makikita ang 360 degree view mula dito.

 

Estado ng Kalsada at Progreso

Noong Pebrero 2020, natapos nang nasa 70% ang konstruksiyon; natitira pa ang tulay na 210 m at ang pagkonekta sa Daang Kalikasan sa Mangatarem—na nangangailangan ng karagdagang ₱740 million.

Noong 2021, ipinabatid ng DPWH na nasa humigit-kumulang 64% na ang natapos. Planong matapos ito sa 2022–2024, ayon sa iba’t-ibang ulat.

 

Mga Dulot sa Komunidad

1. Pagpapaikli ng Biyahe at Serbisyo

Mula sa 1 oras ng byahe mula Aguilar papunta sa sitio Mapita, maaabot na ito sa 30 minuto.

Mas madaling makarating ang mga residente sa ospital, paaralan, palengke, at iba pang serbisyo.

 

2. Pag-usbong ng Kabuhayan at Turismo

Nagbukas ng oportunidad sa agroturismo—lalo na’t may mga plantations ng ylangylang sa kahabaan ng daan at maraming turista ang naaakit dahil sa tanawin, pag-akyat sa Mapita View Deck, at outdoor adventure.

 

Mga Negosyo sa Lugar

Itinatag ng isang pamilyang dating OFWs mula Qatar ang Daang Katutubo Coffee Shop sa Sitio Mapita noong 2021. Nagbebenta sila ng sariling tanim na gulay, prutas, isda, kape, at nag-aalok din ng glamping, infinity pool, spa, at event spaces.

Patunay ang coffee shop na may buhay at potensyal ang lugar, higit pa sa masina at tahimik na baryo—nagiging destinasyon ito.

 

Bagay na Dapat Isaalang-alang ng mga Bisita

Kailangan ng sariling sasakyan—walang pampublikong transportasyon papunta sa View Deck o sitio Mapita. Praktikal na gamitin ang Waze o Google Maps. At mainam dumayo sa umaga o hapon para sa maganda at malinaw na tanawin.

May parking fee sa View Deck; tapos ang coffee shop hanggang gabi; may cafe at glamping fees depende sa package.

 

Bakit Dapat Mong Bisitahin?

Natural at Tikman ang Kabundukan: Rolling hills, tanawin ng kabundukan at taniman ng ylang-ylang at ilog.

Kultura: Pagtingin sa buhay ng mga katutubo—hindi bilang turista lang, kundi bilang bahagi ng kanilang komunidad.

Ginhawa after journey: Refreshments, pagkain, at spa-like stay sa coffee shop/glamping setup.

Adventure: Hiking papunta sa mga falls (Mapita Falls), camping, o road trips kasama ang mga kaibigan.

 

Konklusyon

Ang Daang Katutubo ng Aguilar, Pangasinan ay hindi lang basta kalsada—it bridges cultures, communities, and opportunities. Mula sa simpleng trail, natupad ang pangakong magdudulot ito ng mas mabilis na serbisyo para sa mga katutubo. Dahil dito, nabuhay ang maliit na ekonomiya at turismo—nagbukas ng tirahan para sa OFWs, coffee shop, at bagong destinasyon. Sa bawat paglupad ng sasakyan sa burol, sumasalamin ang pag-asa at pag-usbong ng isang komunidad—nagiging tulay ito hindi lang ng lupa kundi ng pagkakataon at pangarap.

 

Kung plano mong bumisita o isusulat ang sariling karanasan mo sa Daang Katutubo, masidhi kong inirerekomenda isang road trip adventure kasama ang pamilya o barkada—perpekto para sa nature lovers at cultural seekers.

Monday, September 4, 2023

AGOO ECO-PARK IN AGOO, LA UNION

 

AGOO ECO-PARK IN AGOO, LA UNION

Maniniwala ka ba kung sasabihin kong ang napakagandang lugar na ito ay dating bahagi ng dagat? Halika at sama-sama nating alamin ang kwento at kasaysayan ng lugar na ito.


Sa mga kagaya ko na mahilig sa mga tahimik at preskong lugar, dayo na sa ipinagmamalaking pasyalan ng Agoo, La Union….. ang AGOO ECO-PARK. Let’s Go!


AGOO ECO-PARK IN AGOO, LA UNION

 


Bago makapasok dito, kailangan munang dumaan sa entrance gate at magbabayad ng environmental fee o parking fee na P20.00. Kung ikaw naman ay taga-Agoo, libre ang pagpasok dito.

 

Sa bungad nito, kapansin-pansin ang kalsada nito na binubuo ng 4-lane concrete pathway na nakapagitna sa mga puno ng agoho. Ang lawak ng kalsada dito. Ang sarap magdriving lesson ng 4 wheels. Usually may mga nakikita akong facebook friends ko na dito nagpapractice magdrive. Maliban sa malawak na ang kalsada, kakaunti rin ang mga sasakyang dumadaan dito.


Ang Agoo Ecopark ay matatagpuan sa barangay Sta. Rita, sa bayan ng Agoo, La Union. Isa itong man-made forest na nakapaloob ito sa mahigit sampung libong ektaryang Agoo–Damortis Protected Landscape and Seascape. Ang Agoo-Damortis Protected Landscape and Seascape ay unang itinatag bilang isang pambansang parke noong 1965. Sinasaklaw nito ang 30 kilometro ng mga bakawan, seagrass bed, at pinong itim na buhangin sa mga dalampasigan.

 

Malapit sa baybaying-dagat o sa hilagang bahagi ay makikita naman ang mga bakawan o mangrooves, kung saan ang mga migratory bird ay dumadapo  kapag ang araw ay lumulubog na. Sa katunayan ay ginawa itong Eco-Fun Park na binuksan sa publiko noong 2014. Mabilis itong naging hotspot para sa mga turista at lokal na naghahanap ng kaunting tambayan sa kalikasan. Pero sa kasalukuyan, wala na ang mga mangroove sanctuary activities na dinarayo dati dito.

 

Sa pagpunta sa Agoo Eco-Park, makikita rito ang mga nagtataasang agoho trees na karaniwang pinagkakamalang pine trees ng ilang mga turistang bumibisita rito. Ang mga agoho tree na ito ay itinanim mahigit-kumulang 20 years ago at patuloy pa ring dini-develop o pinagaganda ng mga taong in-charge sa maintenance ng lugar na ito. Ang mga punong ito ay tuwid na nakatayo at nakahilera sa parke sa kahabaan ng coastal village ng barangay Sta. Rita na nakaharap sa Lingayen Gulf.

 

Siguro magdadalawang-isip ka kung sasabihin nating ang eco-park na ito ay dating bahagi ng dagat. Ilang taon na rin ang nakalilipas nang umatras ng halos isang kilometro ang tubig ng dagat, at bilang ebidensya nito ay ang seawall malapit sa gate nito na katabi ng simbahan. Kaya noong 2011, sinimulan ng Department of Environment and Natural Resources o (DENR) na tamnan ang lugar sa ilalim ng National Greening Program (NGP) ng mga iba’t ibang uri ng kahoy habilang na ng Agoho Tree.

 

Ang Agoho, na tinatawag ring Aguho, Aroo o Agoo na may scientific name na Casuarina equisetifolia o sa English ay whistling pine, ay isang puno sa variety ng Casuarina, at isa sa mga punong likas na natatagpuan sa Pilipinas. Kahawig ito ng punong karaniwang makikita sa Baguio City na pine trees. Ang mga puno ng agoho na itinanim dito ay iyong mga nabubuhay sa mainit na panahon at mabuhangin na lugar, at iba sa mga pine trees na makikita sa Baguio City. Gayunpaman, kailangan pa ring maglagay ng garden soil sa paligid ng mga punla upang hindi ito maalog.

 

At alam niyo ba na sa punong ito hinalaw ang pangalan ng Bayan ng Agoo, La Union dahil sa dami ng mga puno noon na itinanim o tumubo sa bayang ito.

 

Sa baybaying bahagi nito ay may bagong ginagawang daan. Ito ang mega dike and coastal road project ng DPWH o ang Shore Protection Project. Sa aking pagbabasa ng mga artikulo sa internet ay may haba pala itong mahigit 20 kilometers kung natapos. Ang proyektong ito ang magsisilbing panangga sa storm surge tuwing may bagyo o tag-ulan na pakikinabangan ng coastal barangays na nasasakupan nito.

 

Napakaganda ng pagkakagawa dito dahil sa gitna o center isle nito ay may mga nakainstall na solar street lights na tiyak na magbibigay liwanag sa madilim na paglalabay ng mga motorista o turista tuwing gabi. Ang dagat ay malinaw, katamtaman ang mga alaon pero kapansin pansin na may mga karatulang nakalagay na “Mag-ingat sa mga dikya”. Ito ay dahil sa ilang insedente ng pag-atake ng mga dikya sa mga nkalipas na taon o buwan.

 

Unti-unti na ring dumarami ang mga tindahan o bilihan dito na nakahilera sa gilid ng ginagawang kalsada. May mga kubo na rin na maaaring rentahan sa abot-kayang halaga.

 

Para sa katanungan natin: Gaano kahaba ang saklaw o sakop ng Agoo–Damortis Protected Landscape and Seascape? I-comment ang inyong sagot sa comment section at ating pipiliin sa pamamagitan ng wheel of names ang mananalo ng 100 pesos load na ipopost natin sa ating Facebook Page at sa comment section ng videong ito.

 

Ang Agoo Eco-Park ay perpektong lugar para sa anumang uri ng picture-taking activity maging ito man ay isang prenuptial shoot, isang birthday shoot, o isang simpleng larawan upang ipakita sa Facebook o Instagram. Mayroon ding campsite kung saan maaari mong dalhin ang iyong mga kaibigan o pamilya na may dalang masarap na pagkain para sa isang simpleng picnic o sleepover sa labas. Maaari kang magdala ng anumang makakain at maiinom basta huwag kalilimutang dalhin ang basura kapag aalis na para mapanatili ang kalinisan ng lugar. Isa rin itong nakakapagpasiglang lugar na magandang puntahan para sa mga fitness activity tulad ng jogging o pagbibisikleta.

 

Sa ngayon, patuloy nating alagaan ang mga likas na yamang ibinigay sa atin ng Maykapal. Mga yamang nagbibigay tuwa at ginhawa sa bawat isa. Hanggang sa muli nating paglalakbay sa mga lugar na siksik sa ganda at siksik sa kuwento at kasaysayan. Ito po ang inyong Sirpogi ng Elyu na nagsasabing EARN. TRAVEL and CHILL. Hanggang sa muli, paalam!


AGOO ECO-PARK IN AGOO, LA UNION


ASIN TUNNEL IN TUBA BENGUET AND ANDUYAN BRIDGE IN TUBAO LA UNION

 

ASIN TUNNEL AND ANDUYAN BRIDGE

Sa episode na ito ay ating dadalawin ang mga tunnels na mano-manong ginawa ng mga prisoners of war noong panahon ng pananakop ng mga kastila dito sa Pilipinas.

 


Likas nga na maraming kuwento ang mga bagay-bagay na makikita sa ating kapaligiran. Mga kuwento na inukit at nabuo mula sa kasaysayan ng mga nagdaang mga siglo hanggang sa kasalukuyan.

 

Sa araw na ito, Samahan niyo ako sa isa muling adventure na tiyak na kapupulutan natin ng aral.

 

Simulan natin ang ating paglalakbay dito sa bahagi ng Tubao, La Union. Mula dito ay kailangan lang nating bumiyahe ng halos isang oras. Sa ating paglalakbay ay ating dadaanan ang Anduyan-Rizal-San Pascual-Nangalisan-Asin Road na nagkokonekta ng mga probinsiya ng La Union at ng Benguet.

 

Sa ating biyahe ay bubungad sa atin ang ilan sa mga kurbadang kalsada dito sa Barangay Anduyan. Dahan-dahan lang sa pagmamaneho syempre para safe tayo makarating sa pupuntahan natin at safe din tayong makauwi. Dito pala sa lugar na ito ipinatayo o ginawa ang ang bago at mahabang tulay ng Anduyan.

 

 

Ang tulay na ito natapos at binuksan  noong Nobyembre 26, 2018 sa pangunguna ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark A. Villar. Ang tulay na ito ay may habang 360 lineal meters na ipinatayo sa kahabaan ng Anduyan-Rizal-San Pascual-Nangalesan-Asin Road. Binubuo ito ng dalawang lanes na gawa sa 12 spans at 30 meters pre-stressed concrete girder.

 

Ang Anduyan Bridge ay ginawa sa layuning bawasan ang oras ng paglalakbay sa pagitan ng Tubao at Baguio City mula 2 ½ hours hanggang isang oras na lang. Isa pa, ang Aringay-Tubao Alternate Road at Anduyan Bridge ay magiging bagong ruta sa Baguio City at babawasan ang pagsisikip ng trapiko sa Agoo-Baguio City Road o Marcos Highway at Bauang-Baguio Road o Naguilian Road.

 

Ang bagong tulay na ito ay may mga sidewalks at reinforced concrete railings. Ito ay ginawa para sa mga taga-Barangay Rizal at Alog East sa Tubao, La Union na tumatawid sa Aringay River. Ito ay gawa sa dalawang abutment at may kabuuang 11 pier na lahat ay nakapatong sa bored piles na 1,600 hanggang 1,800 millimeters ang diameter upang matiyak ang katatagan.

 

Ang mga road safety device makikita dinsa ilang bahagi ng tulay na binubuo ng mga babala at regulatory signage, reflective thermoplastic pavement markings, solar powered street lights at stone masonry slope protection na magsisiguro ng ligtas na paglalakbay ng mga motorista at commuter.

 

Maliban dito, sa palibot ng tulay na ito ay matatanaw ang napakagandang mga bulubundukin na nakadaragdag ng nakakaaliw at nakakarelax na view sa pagdaan mo dito.

 

Pagkatapos nating daanan ang tulay ng Anduyan, ay tutuloy na tayo sa Asin tunnels.

 

Sa paglalakbay natin dito sa daan papunta sa tunnels ay makikita natin ang napakagandang view. Napakakulay ng mga kahoy at damong nasa gilid ng kalsada. Tanaw na tanaw rin dito ang ilang mga magagandang kabukiran sa mga kabundukan o mga mini rice terraces. Medyo may kalamigan na rin ang simoy ng hangin dito dahil na rin siguro sa papataas na elevation ng lugar.

 

Ang kalsada pala dito ay puno ng sharp curves kaya dahan-dahan lang sa pagmamaneho. Maging maingat sa paghawak ng throttle ng sasakyan mo dahil mga mga nakakasalubong din tayong mga biyahero sa kabilang linya ng kalsada. Kapansin-pansin rin na iilan lang ang mga kabahayan dito. Sa gilid ng mga kalsada ay may mga nakainstall na rin na solar street lights na sa tingin ko ay mas efficient at mas favorable sa budget ng bayan nila dito.

 

Sa ilang bahagi ng naman ng lugar na ito ay makikita ang ilang establismento na siyang nagsusuplly ng ilang mga kailanganin ng komunidad. May mga bilihan o tindahan at iba pa.

 

Habang papalapit tayo ay madadaanan rin pala natin ang malawak na paaralan ng Tuba National High School. Madadaanan rin natin ang ilang mga hot spring resorts dito. Ang bahagi ng Tuba, Benguet na ito ay kilala sa mga hotsprings. Kaunting kaalaman lang tungkol sa mga hotsprings. Alam niyo ba na ang hot spring ay nabubuo kapag ang ang subsurface magma sa ilalim ng lupa ay umaabot sa ibabaw nito. Ang hindi gaanong mainit na tubig ay tumataas sa pamamagitan ng mga bitak sa lupa. Kapag umabot ito sa ibabaw, nalilikha ang mga features tulad ng mga geysers, fumarole, at ng hot spring.

 

At ilang sandali pa ay narating na natin ang Asin Tunnel. 

 

Naaalala niyo pa ba ang Aringay Centennial Tunnel na naitampok natin sa mga nakaraan nating video?  Ito ang tunnel na ginawa pa sa panahon ng mga kastila ngunit dahil sa pananakop ng mga Amerikano ay sila na ang nagpatuloy ng paggawa dito. Sa kasamaang palad ay nagipit ang gobyerno ng Commonwealth Government ng Amerika kaya ito itinigil. At noong sumiklab nga ang World War II ay ginawa itong kampo ng mga sundalong hapones dahil sa tibay ng mga pader nito laban sa mga bala at pambobomba ng mga hukbong amerikano. Isa rin sana itong bahagi ng Raiway System papunta sa Baguio. Ang tanong, may kaugnayan kaya ang Aringay Centennial Tunnel sa Asin Tunnels? Halika na at ating alamin.

 


Ang Asin Tunnels ay itinayo noong panahon ng mga kolonyalistang Espanyol ng kanilang mga bilanggo ng digmaan o mga tinaguriang prisoners of war noong 2nd half ng 19th century. Ang mga ito ay sadyang ginawa upang maging bahagi ng dapat na riles sa Damortis La Union at Baguio City. Sa simula ng 20th century, inimprove o pinakaganda ng mga amerikano ang kalsada at ang mga lagusan habang ginagawa ang malapit at gumagana pa ring mga mini hydro plant na siyang nagsu-supply ng kuryente sa lungsod ng baguio. Ang Asin tunnels 1 at 2 ay may habang 96 at 158 ​​metro at may taas na 7 metro. Ang mga tunnel na ito ay ligtas para sa anumang uri ng sasakyan dahil walang nakitang mga bitak dito kahit na matapos ang mamamatay na lindol noong Hulyo 16, 1990.

 

Sa pagdaan natin sa tunnel na ito ay kapansin-pansin ang malamig na temperatura. May mga tumutulong tubig din na marahil ay galing sa bukal ng budok na bahagi ng tunnel na ito. Kapansin-pansin rin ang mahusay na paggawa sa tunnel na ito dahil makikita natin na ito ay purong bato o may component na solid rock.

 

Bumalik tayo sa tanong natin kanina kung ang paggawa ng Aringay Centennial Tunnel ay konektado ba dito sa mga tunnels na ito ng Asin, ang sagot ay maaaring oo dahil ayon sa sinabi natin kanina, ang purpose nito ay para sa gagawing railway system din mula sa La Union hanggang Baguio. Maaaring magkakaroon sana siguro ng intersection ng mga ito kung sakaling natapos ang paggawa dito.

 

Sa ngayon ang mga tunnels na ito ang siyang nagsisibling daanan ng mga kababayan natin na dumadaan sa bahagi ng Tubao, La Union na pupunta sa Baguio City at vice versa.

 

Sadya ngang kahanga-hanga ang mga lugar ng Pilipinas. Ang pagsakop at pananatili ng mga nagdaang kolonyalista sa ating bansa ay di maikakailang may ambag din sa napakayamang kasaysayan ng ating bansa.

 

Hanggang sa susunod na episode ng ating paghahanap ng mga lugar na siksik sa kasaysayan at punong-puno ng kuwento. Mga kuwentong may aral at libreng pamamasyal. Ito po ang inyong Sirpogi ng Elyu na nagsasabing, EARN, TRAVEL and CHILL. Hanggang sa muli, paalam!

 

Tuesday, November 22, 2022

TOP ALLAN: ANG BAGONG PASYALAN SA LA UNION | TRAVEL ELYU



https://youtu.be/thsTJID6MF0

Ang La Union (ELYU) ay tinaguriang Surfing Capital of The North dahil sa mga sikat na mga baybayin nito. Di naman kaila na hindi lang mga beach resorts ang kayang ihain ng ELYU sa mga turista.

Sikat ngayon bilang bagong pasyalan sa La Union ang TOP ALLAN. Ito ay matatagpuan sa pinakadulong  bahagi ng La Union - sa Sudipen, La Union.

Kung galing ka sa Metro Manila, maaari kang dumaan sa mas maayos at mas malapit na ruta via Bangar, La Union Plaza. 

Sa aming paglalakbay, sa bahagi kami ng Alilem Road sa Ilocos Sur idinaan ng Google Map kaya mas naging exciting at mas mahirap ng kaunti ang aming pinagdaanan.

Pagkarating mo sa Top Allan, ikaw ay magreregister muna sa halagang P30.00 (as of November 2022). 

Ang Top Allan ay isang pasyalan na ang highlight ay ang mga viewdeck mula sa 3 hills. Maganda ang mag-unwind dito sa lugar na ito dahil sa napakagandang view. 

Mahangin at malamig ang simoy ng hangin dito. Ayon sa latest post nila, maaari ang camping o overnight stay dito. 











Monday, August 22, 2022

AP 6, QUARTER 1: Epekto ng Kaisipang Liberal sa Pag-usbong ng Damdaming Nasyonalismo

Epekto ng Kaisipang Liberal sa Pag-usbong ng Damdaming Nasyonalismo

Copyright Disclaimer: Ang laman ng blog na ito ay hango sa Unang Edisyon, 2021, Modyul 1 mula sa La Union Schools Division, Region I.



source: https://brainly.ph/question/362526

LAKBAYIN

Ang nasyonalismo ay isang sistema ng paniniwala o ideolohiyang politikal ng pagiging makabansa, ng katapatan sa interes ng bansa, ng pagkakakilanlan nang may pagmamalaki sa kultura at tradisyon ng bansa, at ng pagnanais matamo ang pambansang pagsulong.

Umusbong ang damdaming nasyonalismo ng mga Pilipino nang makapasok ang mga kaisipang liberal sa bansa. Ang katagang “liberal” ay unang ginamit sa Espanya at tumutukoy ito sa mga rebeldeng Espanyol noong 1820 ngunit, ang tunay na kahulugan nito ay ang “kalayaang isulong ang pagbabago sa lipunan”.

Ang mga pangyayaring nakatulong sa pag-usbong ng damdaming nasyonalismo ng mga Pilipino ay ang mga sumusunod:

A. Pagbubukas ng Pilipinas sa Pandaigdigang Kalakalan
Nang nabuksan ang Maynila sa pandaigdigang kalakalan noong 1789, nagkaroon ng pagkakataon ang mga dayuhan na makapagnegosyo sa Pilipinas. Nang magbukas ang Suez Canal (isang artipisyal na daluyan ng tubig na nagdurugtong sa Mediterranean Sea at Red Sea, noong Nobyembre 1869, napabilis ang kalakalan ng Pilipinas at Espanya. Dahil dito, napabilis ang paglabas-masok ng mga mangangalakal at mga kalakal, at kasabay nito ay bumilis din ang pagpasok ng mga aklat na may kaugnayan sa mga kaisipang liberal tulad ng kalayaan, pagkakapantay-pantay, at kapayapaan.

Nagising ang mga Pilipino na may karapatang dapat nilang ipaglabanat hindi sila dapat gawing alipin ng mga mananakop sa sariling bayan.

B. Pag-usbong ng Panggitnang-Uri

Sa tulong ng masiglang kalakalan, maraming mga Pilipino ang naganyak sa pakikipagkalakalan na nagbigay-daan sa pag-unlad ng kanilang pamumuhay. Dahil dito, umusbong ang panggitnang uri (middle class) sa lipunan sa Pilipinas na binubuo ng mayayamang Pilipino, mestizong Espanyol, at Tsino.

Ang kanilang mga anak ay nagkaroon ng pagkakataon na makapag-aral sa Maynila o Europa. Nang makapag-aral ay tinawag silang ilustrados. Kabilang dito sina Jose Rizal, Marcelo H. del Pilar, Mariano Ponce, at marami pang iba. Ang mga kaisipang liberal na kanilang nakamit mula sa kanilang edukasyon ang siyang nagmulat sa kanila sa tunay na kalagayan ng Pilipinas. At malaki ang kanilang ginampanan upang mamulat sa katotohanan ang kanilang kababayang Pilipino. 

Sunday, August 21, 2022

TULA: TING! NASA MESSENGER ANG KILIG

 Ang tulang ito ay para sa babaeng nagpapakilig sa akin araw-araw, gabi-gabi.






"TING!"
Ni: Raymond G. Marzan


Sa mundong ito na lipos ng tunog

Saan mang dako ay may kumakalabog

Kahit sa gabing bawat isa'y mahimbing ang tulog

Sa umaga'y gigisingin ng kampana tumutunog.

 

Saan mang sulok, teknolohiya'y di na kaila

Patok na sosyal midya, iyo na ring isama

Facebook, twitter, tiktok at may messenger pa

Inihahatid nila'y kakaiba at modernong ligaya.

 

"Ting!", matinis na tunog na maririnig mo

Tuwing bubuksan ang messenger sa selpon mo

Bawat mensahe nati'y parang pinagtatagpo

Sabik na sabik sa pag-ibig nating mga puso .

 

Sa messenger, tiyak naman na ako'y nagaganahan

Pagsapit ng umaga, ginagawa ko itong agahan

Pagkat matamis na mensahe mo'y kaysarap masilayan

Busog na damdamin, ramdam hanggang sa hapunan.

 

Sa modernong messenger, ako sayo'y nagsabi

Kung maaari ba kitang ibigin o aking binibini

Kayat araw-araw aking ginugugol matatamis na sandali

Sa bawat 'Ting!' na tunog sa selpon, ako'y napapangiti.














TEACHER AKO: NAPILITAN LANG BA O TINAWAG NG TUNGKULIN?

Marami sa atin ang guro. Pero hindi natin alam ang kuwento sa likod nila. Ikaw, ano ang propesyon mo?


Marami sa atin ang gustong maging propesyonal. Marami rin ang gustong pumili ng tamang kurso para sa kanilang sarili. Pero may mga ilan sa atin ang napilitan o sadyang doon lang na kurso tatapat ang budget ng pamilya.

Bilang anak ng mahirap, wala akong karapatan para mag-inarte o pumili ng mga bagay na alam kong hindi kayang masuportahan ng aking mga magulang. Pagkatapos kong grumadweyt sa High School, tumigil muna ako ng isang taon dahil hindi ko alam kong magtutuloy ako o maghahanap na ng trabaho para makatulong sa pamilya ko. 

May mga gustong mag-sponsor sa akin noon para makapag-aral ng kolehiyo pero nahihiya ako dahil ang iniisip ko ay yung pang-araw-araw na babaunin ko. Wala namang trabaho ang nanay at tatay ko na stable. Namumundok lang noon si tatay at ibenibenta ang mga kahoy na nakukuha niya. Si nanay naman ay nasa bahay bilang housewife.

Minsan nga kulang pa kami sa kaning ihahain sa mesa kaya kamoteng-kahoy na lang ang nagiging supplemental noon para mabusog kami. Karaniwang nilagang dahon ng malunggay lang din ang lagi naming ulam noon. Pero wala namang problema doon. Masaya kami kahit mahirap. Pero minsan, hindi nagkakaunawaan ang aking mga magulang dahil sa kawalan ng gastusin sa bahay.

Tumigil nga ako ng isang taon at kinuha ng tita bilang kasama niya sa Canteen niya sa isang paaralan. araw-araw akong pumapasok doon at di ko na maalala kung magkano ang sahod ko sa loob ng isang linggo (nasa 500-600 pesos din ata).  

Dumating ang panahon na malapit na ang enrollment sa college. Di ko maalala kung bakit bigla akong tinanong ng aking mga magulang kung gusto ko daw ba mag-aral sa kolehiyo. Syempre, OO agad ang sagot ko. Iyon pala, nagkausap na sila ng aking lola noon na nagtatrabaho naman bilang caretaker ng bahay. Si lola kasi ang siyang nagbigay ng munting pambayad ko para makaenroll ako. 

Hindi ko naman alam kung anong kurso ang kukunin ko sa pagkakataong ito. Bago pa man ako makaenroll, syempre dumaan naman ako sa College Admission Test. 

Ayon sa sinasabi ng karamihan, Education daw ang pinakamadali at may pinakamurang Tuition Fee kaya ayun ang kinuha ko. Ayaw ko namang mag BS Math kasi di ako magaling sa math. Kapag BS Computer, di naman ako marunong magcomputer noong araw. Kaya Education ang kinuha ko.

Sa tulong ng isang kamag-anak ni tatay, inendorso niya ako bilang scholar sa Provincial Board Member, at nakuha naman ako. Ibinase ang pagkuha sa akin sa mga grado ko noong 4th year High School ako. Nagpatuloy ang suporta ng Scholarship ko na iyon kasama ang Local Code Scholarship ko bilang SK Kagawad hanggang sa makatapos ako ng pag-aaral kaya hindi masyadong nahirapan ang mga magulang ko sa mga gastusin sa aking pag-aaral.

Masaya ang mag-aral. Akala ko noong una puro mga babae ang kaklase ko. Buti na lang at marami rin kaming mga kalalakihan sa section namin. Sila ang mga naging barkada ko mula sa lahat ng sakripisyo namin sa aming mga proyekto hanggang sa makatapos kami at sabay-sabay na nakapasa sa Licensure Examination for Teachers. 

Dalawang linggo bago pa man ako makapagtapos ng kolehiyo bilang BEEd-SPED Major, naisipan ko nang mag-Job Hunting kasama ang ilan sa mga kaklase ko. Sa awa ng Diyos, agad naman akong nakuha sa isang pribadong paaralan (formerly Union Institute of Rosario; Union Christian College Annex na ngayon).
Hindi naman bago para sa akin ang pagtuturo dahil talaga namang nahubog kami sa aming unibersidad, mapa-in-campus man o off-campus na Practice Teaching. Pero bilang baguhan sa serbisyo ng pagtuturo, marami akong kailangang aralin lalo na sa sistema at kalakaran ng paaralang kinaroroonan ko.

Masaya ang pagtuturo sa pribadong paaralan. Walang maraming forms. Magtuturo ka lang, gagawa ng simpleng lesson plan, copy-paste na mga test questions sa mga pinag-aralang aralin sa libro at lilinisan mo lang ang classroom mo pagkauwi ng mga bata. Marami ka pang oras para magmeryenda o magpahinga dahil departmentalized naman ang paaralan.

Pagkatapos ng tatlong taon, naisipan kong mag-apply sa Public School, kaya nagresign ako sa pribadong paaralang pinagtuturuan ko. Maayos naman akong nagpaalam at bitbit ko ang mga aral at karanasang na natutunan ko sa kanila.

Dahil wala pang kasiguraduhan kung makakakuha ba ako ng item, nag-apply ulit ako sa isang Diocesan School malapit sa amin. Nakuha ulit ako. Pinagreport ako doon, naglinis sa brigada eskwela, naghahanda para sa susunod kong tahanan, pero makalipas lamang ang halos dalwang linggo, tinawagan ako ng District Office. May offer sa akin. Substitute Teacher daw pero sa remote school. Nagdalawang isip ako pero buti na lang may magreretirong guro sa isa pang mountain school kaya nakuha ko ang item niya. Siya nga pala, ikalawa ako sa overall ranking sa district namin at di ko iyon inasahan.

Kaya, agad akong bumalik sa pinag-applyan kong Diocesan School at muling nagpaalam sa kanila ng maayos. Buti na lang at wala pa akong napirmahang kontrata kundi nagkaroon na sana ako ng Breach of Contract na nagkakahalaga ng 50,000 pesos.

Kinabukasan, pinagreport muna kami sa District Office, lahat kaming bagong nakapasok sa Deped habang inaayos at hinihintay ang aming mga school assignments.

Gayun nga, nadestino ako sa isang malayong paaralan sa bayan namin, isang mountain school. Dito ako nagturo ng halos limang taon. Dito na kami natutulog ng mga kasama kong guro mula sa baba dahil may teachers Quarters naman kami doon. Dito ko nakita ang pamumuhay ng mga tao doon. Dito rin ako natutong maglakad sa maputik na daanan tuwing tag-ulan. At higit sa lahat, dito ako natuto na mahalin ang aking propesyon. Nagpatransfer na rin ako sa kapatagan at naidestino na ako sa malapit na barangay sa amin. Dito, nakakauwi na ako araw-araw.


Pero sa mga di inaasahang pagkakataon, may mga araw na napapagod at nawawala ako sa ganang magturo. Ilang beses ko na ring naisipang magresign at humanap na lang ng ibang trabaho pero naiisip ko na nasa mabuting kamay na ako, bat pa ako aalis. Siguro dahil sa dami ng trabaho ng guro, minsan nagiging emosyonal kami. Pero ang mga iyon ay paalala lang na sa likod ng maghapong paghihirap, may tahanan ka pa ring uuwian upang magpahinga.

Bilang isang guro, natutuhan ko ng mahalin ang aking propesyon at patuloy akong magtuturo hangga't may bata at hangga't kaya pa ng aking katawan at isipan.









Saturday, August 20, 2022

VIRAL: JEEPNEY DRIVER, HINANGAAN! TsuperHERO si Tatay!

JEEPNEY DRIVER, HINANGAAN DAHIL SA KANYANG KARATULA SA LOOB NG JEEP!


“PARA SA WALANG-WALA, TY LANG OK NA” 

Araw-araw na namamasada ng jeep si Tatay Michael. Bilang mamamayan na kabilang sa indigent, kailangan niyang gawin ito para pambili ng gamot para sa asawa niyang na-stroke.

Di katulad ng karaniwang namamasada ng jeep, napahanga ang marami sa kanya dahil sa karatulang nakasabit sa likuran ng driver's seat niya.

Photo credits to the respective owner.

Photo credits to the respective owner.


Kuwento ni tatay, “Sinimulan ko ‘yun nu’ng tumaas ng piso ‘yung minimum na pamasahe.

Imbes na mag-1-2-3 sila, magsabi na lang sila na wala silang pamasahe at mag-thank you na lang sila. 

Sapat na ‘yun.



Sobrang hirap kasi ng buhay ng mga Pilipino ngayon. 

Ang buhay natin, give and take. Kung ngayon, mabibigyan ka, baka sa susunod ikaw na ang makapagbigay. 

Masaya rin kasing makatulong sa mga taong kapos. Kasi lahat tayo galing doon simula nang nagpandemya. 

Kahit mahirap ngayon mamasada para sa mga tsuper, kahit pa misis ko kailangan ng panggamot dahil siya’y na-stroke, importante pa rin sa akin ang makatulong. 

At kahit papaano, may napapaligaya ako.”

-Tatay Michael 



Talaga namang kahanga-hanga ang mga katulad ni tatay Michael. Sana ay dumami pa ang mga kagaya niya na magpakalat ng mabuting ehemplo sa sangkatauhan at sa mga susunod na henerasyon.

Credits: KMJS FB Page

LOOK: BLOCKBUSTER ANG PAGKUHA NG DSWD EDUCATIONAL ASSISTANCE PARA SA MGA STUDENT-IN-CRISIS | REQUIREMENTS, ALAMIN!

DSWD CASH ASSISTANCE, DINAGSA SA UNANG ARAW!


Ngayon ang unang araw ng pamamahagi ng ilang Rehiyon sa bansa sa Educational Assistance mula sa DSWD.

Ang Cash Assistance na ito ay layong matulungan ang maraming magulang o estudyante para sa paghahanda ng face to face na balik eskwela ngayong Agosto 2022.

SINO-SINO ANG QUALIFIED, PAANO ANG PAGREHISTRO AT ANO-ANO ANG MGA REQUIREMENTS?

Photo Courtesy: DSWD Region II FB Page

Photo Courtesy: DSWD Region II FB Page

Photo Courtesy: DSWD Region II FB Page

Photo Courtesy: DSWD Region II FB Page

Photo Courtesy: DSWD Region II FB Page

Photo Courtesy: DSWD Region II FB Page

Photo Courtesy: DSWD Region II FB Page

Photo Courtesy: DSWD Region II FB Page

Libo-libo ring mga estudyante at magulang ang dumagsa sa DSWD-RO2 o sa regional office ng DSWD sa Tuguegarao City, Cagayan ngayong Sabado para sa unang araw ng pamamahagi ng educational assistance para sa mga student-in-crisis.

Credits to the owners of the photo.

Ayon kay Jay Batugal Duruin, alas-tres pa lang ng madaling araw ay siksikan na sa harap ng opisina ng DSWD ng mga estudyante at magulang na gustong makakuha ng financial aid mula sa nasabing ahensya.
Credits to the owners of the photo.

Ikinaalarma naman ito ni Mayor Maila Ting Que ng Tuguegarao City ang dagsa ng tao dahil nagdulot na ito nang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa siyudad. Hindi na rin aniya nasusunod ang health protocols at lalo na ang physical distancing.


Credits to the owners of the photo.




MOTIVATION: BAKIT MAHALAGA ANG SUNSET SA BUHAY NG TAO?

Sunset: Isang Pagpupugay Para sa mga Nagsisikap


Isa ka ba sa mahilig manood sa tabing dagat kapag pababa na ang araw? Ano ang mga dahilan bakit marami sa atin ang nagugustuhang panoorin ang paglubog nito? May benepisyo ba ito?

Ayon sa pag-aaral,  ang paglubog ng araw ay may maraming sikolohikal na epekto na nagpapahusay sa pangmatagalang kasiyahan sa buhay ng tao, at mga pisikal na benepisyo, at napatunayang nakapagpapawi ng stress. 

MGA PAALALA NG SUNSET SA BUHAY NG TAO:

1. Tapos na ang isang buong araw na pagtatrabaho. 

2. Oras na para magrecharge o magpahinga ang katawan.

3. Itigil na ang pag-iisip ng maraming problema.

4. Sa pagbalot ng dilim, aasahan pa rin na may darating na bagong bukas.

5. Ihanda ang sarili para sa mga panibagong pagsubok kinabukasan.

6. Oras para magpasalamat sa gabay ng Panginoon dahil sa iyong kaligtasan at kalusugan sa buong maghapon.


Kaya sa susunod na magkaroon ka ng kapagod-pagod o mahirap na araw, mag-drive papunta sa paborito mong lugar at doon mo panoorin na mawala ang iyong mga alalahanin sa buhay. Nagbibigay ito sa iyo ng dahilan upang lumabas ng bahay at panoorin ang mga biyayang naibigay sa iyo ng Diyos sa maghapon. 


Thursday, August 18, 2022

LIFE STORY: "AKALA KO MAMAMATAY NA AKO." | The Most Challenging Battle I Won!

"I'M PHYSICALLY HEALTHY BUT NOT."



Life is too short, ikanga nila. Tama, napakaikli ng buhay para tayo ay malungkot o magmukmok. Pero teka, normal kang tao kung marunong kang malungkot sa ilang pagkakataon. May kalungkutan kasi na nagpapatatag pa rin sa ating mga sarili. May kalungkutang nagpapaalala na tayo'y magbalik-loob sa ating Lumikha. At may kalungkutan ding....... nakakamatay.


Ito nga pala ang kuwento ko. Ang kuwentong ito ay hango sa aking pakikipaglaban sa isang nakatatawang sakit pero nakakabaliw. Yung sakit na sa isip o sa overthinking mo lang  nagsimula at sa sariling isip mo rin magtatapos.


ANG SIMULA...

Taong 2020, taon na kung saan nabalot ang mundo ng katahimikan, kalungkutan at nakulong ang maraming mamamayan sa loob ng ating mga tahanan. Isang pandemya ang naghari sa mundo na sa isang iglap, biglang nagpabago ng ating paraan ng pamumuhay at tila nagpatigil sa ikot ng ating mundo.

Buwan ng Abril 2020, bakasyon namin ito bilang mga guro sa bansa at dahil sa pagkalat ng Covid-19, wala kaming magawa kundi ang hintayin ang mga anunsyo kung kailan matutuloy ang mga naantalang programa sa aming paaralan. 

Hanggang sa lumipas ang ilang mga araw, linggo, at buwan.... wala pa rin anunsyo. Dito na nagsimula ang kagimbal-gimbal na pangyayari sa aking buhay. 

Hunyo 2020, oras ng hapunan, habang kami ay kumakain ay tila bigla akong nahirapang huminga. Itinigil ko ang aking pagkain at sinubukang huminga ng malalim ngunit nahihirapan pa rin ako. Hindi ko ito sinabi sa aking mga kasama sa bahay, sa halip ay nagpabili na lang ako ng Pineapple Juice. Ang bigla ko kasing naisip ay baka mataas ang Blood Pressure ko (pero di ko pa alam ang mga tungkol sa HB na mga sakit nun, basta naisip ko lang).

Yung tibok ng puso ko, napakabilis. Pabilis ng pabilis. Sinusubukan ko itong kontrolin pero ayaw pa ring tumigil. Nenenerbiyos na pala ako.

Hanggang dumating ang oras ng tulugan, ako na lang ang gising sa amin, mag-aalasdose (12:00) na pero di ko pa rin makuha-kuha ang antok ko. Pinagpapawisan ako. Nagpapalpitate na ang puso ko. Pero mga bandang alauna siguro ay naitulog ko din. 

Bandang alas-3 ng madaling araw (3:00am), nagising ako. Bumangon at umihi. Pagkatapos kong umihi, bigla na namang bumilis ang tibok ng puso ko. Gusto kong gisingin ang mga magulang ko pero sinubukan kong pakalmahin ang sarili ko. Uminom ako ng tubig pero walang epekto. Umupo ako sa labas ng bahay at unti-unti ko itong pinapakalma. Hanggang sa nagawa ko ring kumalma sa loob ng mga 15 minuto. Akala ko noon maka-Cardiac Arrest na ako dahil sa severe palpitations.

Kinabukasan paggising ko, ang sakit ng ulo ko marahil dala ng kakulangan sa tulog. Nag-almusal ako at syempre dahil wala namang ginagawa, Cellphone lang ang tanging libangan sa mga panahong iyon. Nakaramdam muli ako ng mabilis na pagtibok ng puso ko. Natakot na ako. Nenerbyos. Pero di ko pa rin sinabi sa aking mga kasama sa bahay. Hanggang sa naging araw-araw ko na itong nararamdaman na naging dahilan para di ako makatulog ng maayos sa gabi at makakain ng tama. 

Mag-isang linggo na pero paulit-ulit ko pa rin itong nararamdaman. Nakakapagod na. Kaya nagpasya akong magtungo sa Laboratory Clinic. Dito ay kinuha ang Blood Pressure ko. Mataas. Nasa 140/90. Pinagpahinga ako tapos inulit. Mas lalong tumaas. Tinanong ako ng nurse doon kung nenenerbyos ba ako, at sumagot ako ng "hindi". At neresetahan nga ako ng gamot para sa High Blood Pressure. Nagpa-ECG na rin ako at sa awa ng Diyos normal naman ang resulta nito. Pati ang Urinalysis ay normal din.

Umuwi ako ng bahay na may dalang kaba pa rin. Uminom ako ng isang tableta sa neresta nilang pang-HB pero parang walang epekto sa akin. Gusto kong antukin ako. Gusto kong matulog pero di ko magawa. 

Nagdaan pa ang maraming araw, unti-unti na akong nababawasan ng timbang. Mula 65 kgs. noong bago ako atakehin ng sakit na iyon ay biglang naging 58 kgs. na lang ako. 

Dumating na rin ang panahon para kami ay magreport sa aming paaralan. Bilang isang guro, di ko pwedeng irason ang nararamdaman ko para umabsent dahil baka di nila maintindihan ito (dahil wala pa naman akong pinagsasabihan sa aking mga kasamang guro.) 

Sa paaralan kung saan kami nagtuturo, lima kaming tagababa o tagapatag na sabay-sabay umakyat (dahil nasa remote area ang aming paaralan). Aarkila kami ng jeep tapos ay lalakarin ng halos isang oras ang di kayang daanan ng jeep hanggang sa makarating kami sa paaralan. 

Minsan habang nasa paaralan ako, bigla na lang umaatake ang nararamdaman kong iyon. Gusto ko tuloy umuwi agad. Pero nilalabanan ko lang. 

Narito ang ilan sa mga larawan ko noong mga panahong nagsimula at kalagitnaan ng aking sakit na iyon:

Kuha ito noong September 2020, buwan kung saan naghahanda na kami para sa modular na pasukan.

Selfie sa paaralan habang nagsosort ng modules.

Ito yung ika-27 na kaarawan ko. Nagpadasal kami ng konti bilang pasasalamat sa Diyos. Sa mga panahong ito, ako pa lang ang nakakaalam ng sakit ko pero marami ang nagtatanong kung bakit ang payat-payat ko na.


Ika-27th birthday ko ito.

Mga panahong kailangan naming magreport sa paaralan. 

Selfie ko habang nagpiprint at nagsosort ng modules.

Halata sa mukha ko ang ipinayat ko kahit madilim o against the light na ang kuha.


PAANO KO NALAMAN ANG SAKIT KO?

Dumating yung point ng buhay ko na palagi na lang akong nagsesearch sa google ng mga sintomas ng iba't ibang sakit gaya ng:

-Heart Attack symptoms

-Sintomas ng Cardsiac Arrest

-Sintomas ng High Blood

-Senyales na malapit ka nang mamatay

- Ano ang gamot sa insomia at iba pa.


Dumating rin sa punto na lagi na rin akong nanonood sa mga Vlogs ni Doc Willie Ong at ni Online Doktora sa Youtube. Dito ko rin nalaman ang mga sakit tulad ng Anxiety, Depression, at yung nararamdaman ko na PANIC ATTACK. Lagi rin akong naging suki ng mga doctor sa clinic at Laboratory Clinic.

Ano nga ba ang Panic Attack?

Ayon sa www.webmd.com, ang panic attack ay  ang biglaang pakiramdam ng takot na tumama nang walang babala. Maaaring mangyari ang mga episode na ito anumang oras, kahit na sa pagtulog. Ang mga taong nakakaranas ng panic attack ay maaaring maniwala na sila ay namamatay o nababaliw. Ang takot at sindak na nararanasan ng isang tao sa panahon ng panic attack ay hindi katumbas ng totoong sitwasyon at maaaring walang kaugnayan sa kung ano ang nangyayari sa kanilang paligid.

Base sa kahululugan sa itaas, ang mga sintomas na aking nararamdaman ay ang labis na pagkatakot mamatay, laging kinakabahan at bigla na lang bumibilis ang tibok ng puso ko. Minsan ay parang nababaliw na rin ako sa sobrang pag-iisip ng kung ano-ano. Takot na takot din akong lumabas ng bahay mag-isa kaya kung may pupuntahan ako ay nagpapasama ako sa aking kuya sa pagdrive ng motor.

Dumating din ang mga panahon na kung ano-ano na ang inoorder ko sa Online na mga health equipments gaya ng BP Monitor at Glucometer dahil gusto ko araw-araw na makita ang kalagayan ng katawan ko. 

Inabot na rin ng taon ang aking nararamdaman at tila unti-unti nito akong nilalamon, at ibinabaon sa hukay.

Mula nang nalaman ko ang aking sitwasyon, sinubukan kong unti-unting sabihin ito sa mga taong nakapalibot sa akin. Sinimulan ko ito sa isa kong kapatid na babae. Sumunod sa nanay ko, sa mga kaguro ko at sa sarili ko. 

Nag-seek na rin ako ng tulong mula sa College Professor ko dati sa Psychology at pinayuhan ako ng mga dapat kong gawin. Mabuti na lang at libre ang messenger, malaking tulong ito sa mga panahong maraming nangangailangan ng atensyon. 

Dito na rin ako natutong maging matatag. Sinubukan kong lumabas ng bahay para gumala ng mag-isa. Sinubukan ko na ring kumain ng mga dati kong kinakain. Hanggang sa unti-unting nanumbalik ang sigla ng aking katawan.

December 26, 2021 (B-day ko). Nagpunta ako sa Daang Katutubo sa Aguilar, Pangasinan ng mag-isa. 

Viewdeck sa Daang Katutubo sa Sitio Mapita, Aguilar, Pangasinan

January 2022

February 2022

March 2022

April 2022

July 2022

Sa ngayon, may mga nararamdaman pa rin ako o umaatake pa rin lalo na kung nasstress sa trabaho pero nakakaya ko na itong kontrolin. Salamat sa Diyos dahil sa araw-araw na pakikipaglaban ko, di Niya ako iniwan at unti-unti ring natupad ang ilan sa mga pangarap ko at pangarap ng pamilya ko.

Sa ngayon, natatawa na lang ako habang sinusulat ko ang kuwento kong ito. Talaga namang minsan "It's all in the mind."

Sa mga kagaya kong patuloy na lumalaban, akbay tayo pre, tol, bes, mam, sir. Makakaya natin 'to. 😇




You may also like:

DAANG KATUTUBO, ISANG PARAISONG KALSADA SA BAHAGI NG PANGASINAN

  DAANG KATUTUBO, ISANG PARAISONG KALSADA DAANG KATUTUBO VIEWDECK Ang Daang Katutubo ay isang scenic road na tumatawid sa mga burol ng Baran...